Suzumiya Haruhi:Tomo1 Prologo

From Baka-Tsuki
Jump to navigation Jump to search

Prologo


Kailan ba ako tumigil na maniwala kay Santa Klaws? Sa totoo lang, walang saysay ang ganitong uri ng tanong. Subalit, kung tatanungin mo ako kung kailan ako tumigil na maniwalang ang matandang lalakeng nakasuot ng pulang kasuotan ay si Santa, buong kumpyansa kong sasabihing: Hindi ako naniwala kay Santa. Alam ko na ang Santa na lumitaw sa salu-salong Pamasko noong kinder pa ako ay isang huwad, at ngayong naiisip ko ito, iisa lang ang hitsura ng pagkagulat ng bawat isa sa aking mga kaklase habang pinapanood nila ang aming guro na nagkukuwaring si Santa. Hindi ko man nakita ang aking Mommy na hinahalikan si Santa Klaws, sapat na ang aking talinong maging mapaghinala tungkol sa pamamalagi ng isang matandang lalakeng nagtatrabaho lamang tuwing Bisperas ng Pasko.

Ngunit, matagal inabot bago ko napagtanto na ang mga alien, mga manlalakbay ng panahon, mga multo, mga halimaw, at mga esper na laman ng mga maaaksyong cartoon tungkol sa "mabubuti laban sa masasamang organisasyon" ay hindi rin totoo. Teka, siguro napagtanto ko na nga, pero hindi ko lang gustong aminin. Sa loob-loob ko, ninais kong lumitaw bigla ang mga alien, mga manlalakbay ng panahon, mga multo, mga halimaw, mga esper, at mga masasamang organisasyon na iyon. Kumpara sa mayamot at karaniwang buhay na ito, higit na mas masaya ang mundo ng mga magagarang palabas na iyon; gusto ko ring tumira sa mundong iyon!

Ninais kong ako ang lumigtas sa babaeng dinakip ng mga alien at kinulong sa isang mala-mangkok na kuta. Ninais kong gamitin ang aking tapang, talino, at ang maaasahang baril na de-laser upang labanan ang mga masasamang loob mula sa hinaharap na nagbabalak baguhin ang kasaysayan para sa kanilang ikaaangat. Ninais kong makapagtapon ng mga demonyo't halimaw sa ibang lupalop sa pamamagitan lamang ng isang orasyon, makipaglaban kontra sa mga mutant o mga psychic mula sa masasamang organisasyon, at makipagtunggali sa labanang telepatiko!

Pero teka lang. Kung sakaling sugurin nga ako ng mga alien o kung anuman, paano ko sila malalabanan? Ni wala nga akong kapangyarihan!

Kung gayon, ganito na lang kaya: isang araw, isang misteryosong baguhang estudyante ang lumipat sa aking klase. 'Yun nga lang, isa siyang alien o kaya mula sa hinaharap, at may abilidad na telepatiko. Tuwing napapalaban siya kontra sa mga masasamang loob, ang gagawin ko lang ay maghanap ng paraan upang mapasama sa giyerang iyon. Siya na ang bahala sa pakikipaglaban habang puwede na sa akin ang maging isang sunud-sunurang sidekick. Diyos ko, astig 'yon, ang talino ko talaga!

O kaya, kung hindi iyon pupuwede, ganito na lang kaya: isang araw, nagising sa akin ang isang misteryosong kapangyarihan, para bang telekinetiko o kaya psychic na abilidad. Nadiskubre kong andami rin palang ibang tao sa mundong ito na may kapangyarihang katulad din sa akin, at isinali ako sa isang kung anumang samahan para sa mga paranormal. Magiging bahagi ako ng organisasyong iyon at protektahan ang mundo laban sa mga masasamang mutant.

Sa kasamaang palad, sadyang malupit ang katotohanan... Walang lumipat sa aking klase. Hindi ako nakakita ng UFO. Noong nagtungo ako sa mga lugar na sinasabing pinamamalagian daw ng mga multo, wala naman nagpakita. Makalipas ng dalawang oras na masinsinang titigan ni hindi man lang gumalaw ng isang milimetro ang aking lapis, at kahit tumingin man ako nang mabalasik sa ulo ng aking kaklase hindi ko nabasa ang kanyang isip. Hindi ko napigilang magpakumbaba sa kung gaano kakaraniwan ang mga batas ng pisika. Pinigilan ko nang mag-abang ng mga UFO at manood ng mga paranormal na palabas sa telebisyon dahil kinumbinse ko na ang aking sarili na imposible ang lahat ng iyon. Umabot nga sa puntong nakakaramdan na lang ako ng nostalgia sa mga bagay na iyon.

Makalipas ang gitnang paaralan, nakalimutan ko nang tuluyan ang mundo ng hiwaga at nagpakatatag na lamang sa katotohanan. Walang nangyari noong 1999, kahit na patuloy akong umasa, kahit saglit lang, na may mangyari nga; hindi nagbalik ang tao sa buwan o nakipagsapalaran lagpas nito. Siguro, kung pagbabatayan ang mga bagay-bagay, matagal na akong patay bago ka man makapaglakbay nang balikan mula sa Daigdig patungo sa Alpha Centauri.

Sa ganyang mga uri ng palalakad na kaisipan, ako ay naging isang karaniwang ika-10 baitang na estudyanteng walang pakialam sa mundo. 'Yun nga lang, hanggang makilala ko si Haruhi Suzumiya.


Ibalik sa Unang Pahina Ibalik sa Mga Larawang Kinulayan Ilipat sa Kabanata 1