Suzumiya Haruhi:Tomo1 Kabanata1

From Baka-Tsuki
Revision as of 23:18, 28 February 2008 by EmpressMaruja (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Kabanata 1


At ayun na nga, pumasok ako sa mataas na paaralan sa may amin. Nagsisisi ako noong una sa desisyong ito dahil nasa tuktok ng isang mataas na burol ang eskuwela. Kahit tuwing tagsibol, darating sa paaralan ang mga estudyante na pawisan at pagod na pagod dahil sa pag-akyat ng matarik na daan - malinaw na malinaw na hindi gagana dito ang aking balak na "maglakad sa paaralan nang dahan-dahan". Tuwing naaalala ko ito, maliban sa kinakailangan kong ulit-ulitin ang pagpanhik-panaog sa burol araw-araw sa susunod na tatlong taon, napapagod ako't nalulungkot. Medyo napasobra ang tulog ko ngayong araw. Siguro kasi sa sobrang bilis ng paglakad ko kahapon, at siguro iyon ang dahilan kung bakit sobrang pagod ako noon. Pupuwede akong gumising nang mas maaga, kaya lang, alam niyo na, pinakamahimbing ang tulog niyo bago kayo magising. Ayokong sayangin ang mahalagang 10 minutong iyon, kung kaya't pinabayaan ko na lang, at ibig sabihin nito ay kailangan kong ulit-ulitin ang maagang ehersisyong ito sa susunod na tatlong taon. Nakakalungkot talaga.

Ito ang dahilan ng aking nag-iisang malagim na mukha habang isinasagawa ang maaksaya-sa-oras na seremonya sa pagpasok. Nababakas sa lahat ng aking mga kaeskuwela ang mukha ng "pagsisimula ng bagong paglalakbay"; alam mo na, 'yung tipong "mapag-asa, ngunit puno ng pag-aalinlangan" na hitsura tuwing papasok sa bagong eskuwela. Sa akin, hindi ganito ang kaso - karamihan naman ng aking mga kaklase mula sa dating gitnang paaralan ay narito rin sa eskuwelang ito. Dagdagan mo pa na ilan sa mga kaibigan ko'y narito rin. At dahil doon, hindi ako nagmukhang nag-aalala, o nasasabik, gaya ng iba.

Nakadyaket ang mga lalake at nakaunipormeng pangmarino naman ang mga babae. Wow, kakaibang kombinasyon 'yun ah. Siguro kasi 'yung nakakaantok na punung-guro na nagbibigay ng talumpati sa entablado'y may sekswal na hilig sa mga unipormeng pangmarino. Habang iniisip ko ang mga walang silbing bagay na ito, natapos rin sa wakas na nakabobobong seremonya. Ako, sampu ng aking mga di-masyadong-handang mga kaklase, ay pumasok sa silid aralan ng seksyong 1-5.

Naglakad patungo sa harapan ng klase ang aming gurong si Ginoong Okabe, suot ang ngiting ininsayo ng isang oras sa harap ng salamin, at nagpakilala sa amin. Una niyang sinabi na isa siyang guro sa PE, at siya ang namamahalang guro sa handball team. Pagkatapos ay ikinuwento niya kung papaano siya naglaro ng handball para sa kanyang pamantasan, at nanalo pa ng kampiyonato, at ngayong kulang sa mga manlalaro ng handball ang eskuwelang ito, kaya kung sinuman ang sasali sa team ay magiging regular kaagad. At pagkatapos nagkuwento pa siya ng mga bagay-bagay gaya ng kung bakit ang handball ang pinakakawiliwiling laro sa mundo at iba pa. Kung kailang akala kong hindi na siya matatapos, saka siya nagbulalas:

"Ngayon, magpakilala naman kayo!"

Medyo karaniwan na ang ganito, kaya hindi na ako nagulat.

Isa-isang nagpakilala ang bawat kaklase mula sa kaliwang bahagi ng silid-aralan. Itinaas nila ang kanilang kamay, pagkatapos ibinanggit ang kanilang pangalan, ang pangalan ng kanilang lumang eskuwela, at iba pang pangkaraniwang bagay gaya ng kung ano ang kanilang hilig o paboritong pagkain. Ang ilan sa aking mga kaklase'y idinaan lang sa pagbulong, ang iba nama'y medyo nakakapukaw ng interes ang kanilang pagpapakilala, habang ang iba'y sinubukang magbiro na siyang nagpababa ng init sa silid-aralan nang bahagya. Habang paparami na ang nagpakilala, papalapit na ang aking pagkakataon. Kinakabahan ako! Kailangan nilang malaman kung ano ang nararamdaman ko, 'di ba?

Nang nagawa kong tapusin ang aking pinag-isipa't maigsing pagpapakilala nang hindi masyadong nauutal, umupo ako't huminga nang maluwag na nagagawa mo matapos tapusin ang isang gawaing hindi kanais-nais pero kinakailangan. Tumayo ang aking kaklase sa likuran para sa kanyang pagkakataon at--ah, malamang hindi ko ito makakalimutan sa tanang buhay ko--sinambit ang mga salitang magiging paksa ng usap-usapan sa mahabang panahon.

"Ako si Haruhi Suzumiya. Nagtapos ako sa Gitnang Paaralan ng Silangan."

Sa puntong ito medyo karaniwan pa ang pagpapakilala, kaya hindi man lang ako nag-abalang lumingon upang tignan siya. Tumitig lang ako sa pisara at pinakinggan ang kanyang sumisilakbong boses.

"Wala akong interes sa mga karaniwang tao. Kung sinuman dito ang alien, manlalakbay ng panahon, manlalakbay ng dimensyon, o isang esper, hanapin lamang ako! Iyon lamang."

Nang narinig ko iyon, hindi ko napigilang lumingon.

Mahaba't manipis ang kanyang itim na buhok. Ang kanyang kyut na mukha'y puno ng kapangahasan at paghaman habang tinitigan siya ng buong klase. Lumiliwanag sa kanyang kumikislap na mga mata't mahahabang kilay ang kanyang pagiging seryoso at determinasyon. Nakapanguso nang mahigpit ang kanyang maliit na labi. Ito ang aking unang pagkakakilala ko sa kanya.

Naalala ko pa kung gaano kakintab ng kanyang maputing lalamunan--medyo maganda pala siya.

Sa pamamagitan ng kanyang mga nangangalit na mata, dahan-dahang siniyasat ni Haruhi ang buong klase, at huminto upang tumitig nang mabalasik sa akin (nakanganga ako), at umupo nang hindi man lang ngumingiti.

Nagpapakadramatiko ba siya?

Sa puntong iyon naniniwala akong puno ng katanungan ang lahat, at ang lahat ay nalito sa kung ano dapat ang kanilang reaksiyon. "Tatawa ba dapat ako?" Walang may alam.

Kunsabagay, kung pagbabasehan ang katapusan ng kanyang pagpapakilala, hindi niya sinusubukang magpakadrama o magpatawa dahil nanatiling mataimtin ang kanyang mukha.

Lagi siyang seryoso.

Base ito sa pagkakaintindi ko--hindi ito nagkakamali.

Matapos magsisayawan ang mga diwata ng katahimikan sa aking silid-aralan nang trenta segundo o mahigit pa, nag-alinlangang senyasan ng guro ang susunod na kaklase upang ituloy ang pagpapakilala, at nawala ang tensiyon sa paligid.



Ganito kami nagkakilala.

Talagang hindi ito malilimutan. Nais kong maniwalang nagkataon lang ang lahat ng ito.



Matapos niyang agawin ang atensyon ng lahat sa unang araw ng klase, nagbalik sa pagiging inosenteng estudyante si Haruhi.

Ito pala ang tinatawag nilang katahimikan bago ang bagyo! Naiintindihan ko na ngayon.

Gayun pa man, ang lahat sa paaralang ito ay nanggaling sa isa sa apat na gitnang paaralan sa bayan--mga taong katamtaman lang ang mga grado. Kasama na rito, siyempre, ang Gitnang Paaralan ng Silangan; kaya dapat may mga estudyante dito na naging kaeskuwela ni Haruhi doon, na may alam kung ano ang sinisimbolo ng kanyang katahimikan. Sa kasamaang palad, wala akong nakilalang kahit sinong estudyante na nanggaling sa Gitnang Paaralan ng Silangan, kung kaya walang makapagpaliwanag sa akin kung gaano kaseryoso ang kalagayang ito. Dahil dito, ilang araw matapos ng eksplosibong pagpapakilalang iyon, isang bagay na hindi ko malilimutan ang akin nagawa--sinubukan kong makipag-usap sa kanya bago magklase.

Nagsimulang maglaglagan ang aking mga domino ng kamalasan, at tila ako pa ang nagtulak sa unang piraso!

Kasi, tuwing nakaupo lang nang tahimik si Haruhi, mukha lang siyang normal at magandang babae, kung kaya't naisipan kong umupo sa harapan niya upang maging malapit sa kanya. Akala ko talaga magtatagumpay ito. Napakamanhid ko talaga. Nawa'y may manggising sa akin sa kamalayan.

Siyempre, nagsimula ang aming usapan sa insidenteng iyon.

"Musta."

Pahapyaw akong lumingon, na may bahagyang ngiti sa aking mukha.

"'Yun bang mga sinabi mo sa iyong pagpapakilala, seryoso ka ba doon?"

Habang nakahalikipkip ang kanyang mga braso sa kanyang dibdib, nakasarang mga labi, nanatili sa ganoong tindig si Haruhi Suzumiya, at nagsimulang titigan ako sa mata.

"Ano'ng 'mga sinabi ko'?"

"'Yung tungkol sa mga alien."

"Alien ka ba?"

Masyado siyang seryoso.

"... Hindi."

"Kung hindi, eh ano'ng gusto mo?"

"... Wala, wala."

"Kung gayon, huwag mo akong kausapin. Inaaksaya mo lang ang oras ko."

Sa sobrang lamig ng kanyang titig, huli na nang napagtanto kong nauutal ako sa pagsabi ng "patawad". Inalis niya ang tingin sa akin nang mapagpahamak, at nagsimulang magsimangot habang nakatitig sa pisara.

Magsasalita pa dapat ako ng isa o dalawa pang pangungusap, pero wala akong maisip na sasabihing matino. Salamat na lang at dumating bigla ang aming guro sa silid-paaralan.

Lumingon ako pabalik sa aking upuan nang malungkot, at napansin kong may ilang mga taong nakatingin sa akin na tilang interesado. Siyempre, nainis ako. Nang titigan ko silang pabalik, napansin ko na lahat sila'y mukhang walang sigla. May iba pa ngang tumango sa akin nang may awa.

Gaya ng sinabi ko, noong una naiinis ako, ngunit kalauna'y nalaman ko na lahat sila'y nagtapos sa Gitnang Paaralan ng Silangan.



Dahil nga naging kasuklam-suklam ang aking unang pakikipag-usap kay Haruhi, naisip kong maging malayo muna ako sa kanya para sa kaligtasan ko na rin. Lumipas ang linggo nang ito ang aking nasa isip.

Kaya lang dahil nga bahagi ako ng klase, may mga taong lalapit at lalapit upang makausap ang kunot-noo at laging nakasimangot na si Haruhi.

Karamihan sa kanila'y mga babaeng maaarte; makakita lang sila ng babaeng kaklase na malayo sa kanila, sinusubukan nilang magpakabait upang tulungan ito. Mabuti iyon, pero sana inusisa muna nila ang kanilang inaasinta!

"Kumusta, napanood mo ba ang palabas sa TV kagabi? 'Yung nasa alas-9?"

"Hindi."

"Eh, bakit?"

"'Di ko alam."

"Panoorin mo. Hindi ka naman malilito sa kuwento kahit sa kalagitnaan mo na mapanood. Gusto mo bang ikuwento ko ang nakaraan sa 'yo?"

"Nakakainis ka!"

Ganoon ang nangyari.

Mabuti sana kung sasagot na lang siya ng "hindi" gamit ang kanyang mukhang nakasimangot. Pero hindi, kailangan pa niyang ipakita ang kanyang pagkainip sa kanyang salita at gawa. Napapaniwala tuloy ang kawawang biktima kung may nagawa nga siyang mali. Sa huli, ang masasabi lang niya ay "Ah ganoon ba? Sige...", at tatanungin ang sarili nila "Ano'ng nagawa kong mali?" sabay alis.

Huwag kang malungkot; wala kang sinabing mali. Ang problema ay nasa utak ni Haruhi Suzumiya, wala sa iyo.

(itutuloy)


Ibalik sa Unang Pahina Ibalik sa Prologo Ilipat sa Kabanata 2