Suzumiya Haruhi:Tomo1 Kabanata1

From Baka-Tsuki
Revision as of 09:37, 10 February 2008 by EmpressMaruja (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Kabanata 1


At ayun na nga, pumasok ako sa mataas na paaralan sa may amin. Nagsisisi ako noong una sa desisyong ito dahil nasa tuktok ng isang mataas na burol ang eskuwela. Kahit tuwing tagsibol, darating sa paaralan ang mga estudyante na pawisan at pagod na pagod dahil sa pag-akyat ng matarik na daan - malinaw na malinaw na hindi gagana dito ang aking balak na "maglakad sa paaralan nang dahan-dahan". Tuwing naaalala ko ito, maliban sa kinakailangan kong ulit-ulitin ang pagpanhik-panaog sa burol araw-araw sa susunod na tatlong taon, napapagod ako't nalulungkot. Medyo napasobra ang tulog ko ngayong araw. Siguro kasi sa sobrang bilis ng paglakad ko kahapon, at siguro iyon ang dahilan kung bakit sobrang pagod ako noon. Pupuwede akong gumising nang mas maaga, kaya lang, alam niyo na, pinakamahimbing ang tulog niyo bago kayo magising. Ayokong sayangin ang mahalagang 10 minutong iyon, kung kaya't pinabayaan ko na lang, at ibig sabihin nito ay kailangan kong ulit-ulitin ang maagang ehersisyong ito sa susunod na tatlong taon. Nakakalungkot talaga.

Ito ang dahilan ng aking nag-iisang malagim na mukha habang isinasagawa ang maaksaya-sa-oras na seremonya sa pagpasok. Nababakas sa lahat ng aking mga kaeskuwela ang mukha ng "pagsisimula ng bagong paglalakbay"; alam mo na, 'yung tipong "mapag-asa, ngunit puno ng pag-aalinlangan" na hitsura tuwing papasok sa bagong eskuwela. Sa akin, hindi ganito ang kaso - karamihan naman ng aking mga kaklase mula sa dating gitnang paaralan ay narito rin sa eskuwelang ito. Dagdagan mo pa na ilan sa mga kaibigan ko'y narito rin. At dahil doon, hindi ako nagmukhang nag-aalala, o nasasabik, gaya ng iba.

Nakadyaket ang mga lalake at nakaunipormeng pangmarino naman ang mga babae. Wow, kakaibang kombinasyon 'yun ah. Siguro kasi 'yung nakakaantok na punung-guro na nagbibigay ng talumpati sa entablado'y may sekswal na hilig sa mga unipormeng pangmarino. Habang iniisip ko ang mga walang silbing bagay na ito, natapos rin sa wakas na nakabobobong seremonya. Ako, sampu ng aking mga di-masyadong-handang mga kaklase, ay pumasok sa silid aralan ng seksyong 1-5.

Naglakad patungo sa harapan ng klase ang aming gurong si Ginoong Okabe, suot ang ngiting ininsayo ng isang oras sa harap ng salamin, at nagpakilala sa amin. Una niyang sinabi na isa siyang guro sa PE, at siya ang namamahalang guro sa handball team. Pagkatapos ay ikinuwento niya kung papaano siya naglaro ng handball para sa kanyang pamantasan, at nanalo pa ng kampiyonato, at ngayong kulang sa mga manlalaro ng handball ang eskuwelang ito, kaya kung sinuman ang sasali sa team ay magiging regular kaagad. At pagkatapos nagkuwento pa siya ng mga bagay-bagay gaya ng kung bakit ang handball ang pinakakawiliwiling laro sa mundo at iba pa. Kung kailang akala kong hindi na siya matatapos, saka siya nagbulalas:

"Ngayon, magpakilala naman kayo!"

Medyo karaniwan na ang ganito, kaya hindi na ako nagulat.

Isa-isang nagpakilala ang bawat kaklase mula sa kaliwang bahagi ng silid-aralan. Itinaas nila ang kanilang kamay, pagkatapos ibinanggit ang kanilang pangalan, ang pangalan ng kanilang lumang eskuwela, at iba pang pangkaraniwang bagay gaya ng kung ano ang kanilang hilig o paboritong pagkain. Ang ilan sa aking mga kaklase'y idinaan lang sa pagbulong, ang iba nama'y medyo nakakapukaw ng interes ang kanilang pagpapakilala, habang ang iba'y sinubukang magbiro na siyang nagpababa ng init sa silid-aralan nang bahagya. Habang paparami na ang nagpakilala, papalapit na ang aking pagkakataon. Kinakabahan ako! Kailangan nilang malaman kung ano ang nararamdaman ko, 'di ba?

(Itutuloy)


Ibalik sa Unang Pahina Ibalik sa Prologo Ilipat sa Kabanata 2